Tradisyon na Lamang Ba?
ni Jumie Anne Cruz
Hindi maikakailang hindi nakalilimot ang mga Pilipino sa tradisyon.
Ngayong ika-2 ng Nobyembre ginugunita natin ang Araw ng mga Patay. Ngunit tradisyon na nga lamang bang maituturing ito? Hindi na nga ba nabibigyang-buhay ang tunay kahulugan ng “pistang” ito?
Isa itong kaganapang ipinagdiriwang ng mga Romano Katoliko sa buong mundo. Sa panahong ito ginugunita ang mga kamag-anak, kaibigan, at kakilalang sumakabilang-buhay. Ipinagdarasal ang kaluluwa ng mga namatay na pinaniniwalaang nasa purgatoryo.
Noong ika-11 siglo nagsimula ang okasyong ito, sa tulong ni Odilo, abbot ng Cluny. Sinadyang itapat ito sa araw matapos ang pagdiriwang sa Araw ng mga Santo, kung saan binibigyang-pugay ang mga santo ng Simbahang Katoliko, upang mailipat ang pansin mula sa mga kaluluwa sa langit patungo sa mga kaluluwa sa purgatoryo.
Ito nga ba ang nangyayari ngayon? Naipatutupad ba ang hangarin ng araw na ito? Nabibigyan nga ba ng pansin ang mga kaluluwang nasa kabilang buhay?
Sa Pilipinas, tuwing ika-1 ng Nobyembre nagsisimulang magdagsaan ang mga tao sa mga sementeryo. Mayroong doon na magpapalipas ng gabi at hihintayin ang pagdating ng mismong Araw ng mga Patay. Mayroon ding bumabalik na lamang kinabukasan upang magtirik ng kandila at mag-alay ng bulaklak.
Karaniwan nang makikita sa mga puntod ang nakasinding kandila at nakapatong na mga bulaklak. Karaniwan na ring makikita ang malalaking pamilyang nagsama-sama at nagkakatuwaan. Maraming pagkain. Maraming batang nagtatakbuhan. Maraming nagsusugal. Maraming mga dalaga at binata na naka-porma na parang pupunta sila sa isang handaan.
Bihira ka na makakita ng pamilyang nagdarasal sa tabi ng puntod. Bihira ka nang makakita ng pamilyang dumadalo at nag-aalay ng misa para sa kanilang mga yumaong minamahal. Bihira ka nang makakita ng taong alam kung ano ang layunin ng Araw ng mga Patay.
Marami sa pamilyang Pilipino ang pumupunta na lamang sa mga sementeryo dahil nakasanayan na ito. Tuwing darating ang una o ikalawang araw ng Nobyembre, magsasama-sama ang buong pamilya. Pupunta sa libingan ng kanilang kamag-anak at doon magkukuwentuhan.
Marami sa pamilyang Pilipino ang nag-aakalang sapat na ang pagtitirik ng kandila at pag-aaalay ng mga bulaklak para sa kanilang mga patay.
Marami sa mga Pilipino ang hindi na pinahahalagahan ang Araw na ito; sa halip pu-porma na lamang at rarampa sa daan at magbabakasakaling
mayroong bagong makikilala.
Madalas ginagamit itong pagkakataon upang magpakitang-gilas. Magdadala ng higit na masasarap na pagkain, magsusuot ng magagarang damit, magdadala ng mga high-tech na kagamitan. Ginagamit itong tila isang lunsaran ng pagyayabang.
Hindi maikakailang maging sa araw na ito makikita ang hindi pagkakapantay-pantay ng lipunan. Mayroong mga sementeryong tanging ang mayayaman lamang ang may-kayang bumili ng lupa. Mayroong mga libingang tanging ang mayayaman lamang ang may-kayang magpagawa.
Nakalulungkot isiping sinasalamin ng isang pagdiriwang ng Simbahang Katoliko ang mahirap-mayamang pagkakahati ng lipunan. Nakalulungkot isiping nagagamit ito upang mapalawak pa ang agwat ng mahirap at mayaman.
Higit na nakalulungkot isiping katulad ng ibang pagdiriwang ng Simbahang Katoliko, katulad ng Pasko, hindi na rin ito nabibigyang-diwa. Hindi na naisasabuhay at naipatutupad ang mga tunay na layunin. Ginagawa at itinuturing na lamang itong isang tradisyon.
Walang masama sa mga tradisyon, ngunit kung ang pagiging “tradisyon” na lamang ang iisipin, para saan pa ang ginagawang pagdiriwang? Wala ring saysay kung puro pagpapakita na lamang ang ating gagawin. Kung walang pagsasa-puso at kung walang pagsasa-kaluluwa, ang matitira na lamang puro buto…puro kalansay.
No comments:
Post a Comment