balikbayan baks

December 2, 2007

Talumpati

I came across my files back in highschool (emailed to Anne) and some College docs too. Ito yung Talumpati ko for Fil12 -- sayang talaga ito, C+ lang binigay sa akin ni Bb. del Prado. Kung B yun, pwede na ko mag-minor sa Fil, tsk. hehehe

----

Rafael M. Zuñiga Fil12 – DDD Bb. Florizel del Prado

Ang Pundasyon ng Simbahan nating mga Atenista

Ang Ateneo ay isa sa pinaka-mahusay na unibersidad sa Pilipinas. Unang rinig mo pa lang sa Ateneo, parang ang lakas kaagad ng dating nito lalo na sa mga kabataan. Ito na ang pinapangarap ng marami: ang mag-aral sa Ateneo. Hindi lamang magandang edukasyon ang naibibigay ng Ateneo sa mga estudyante, naibabahagi rin nito ang mga nag-gagandahang pasilidad tulad ng Rizal library, mga computer lab, pati na ang mga kasilyas. Pero tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Eukaristiya, lagi na lang sa Quad ang punta ng lahat. Bakit nga naman ganoon? Akala nang marami kumpleto ang Ateneo, yun pala ay hindi. Kaya naman tuwing may misa nag-uunahan na lang sa mga bangkong nakakalat sa Quad ang mga estudyante. At kung mas mamalasin, uulan pa ng malakas kaya napipilitang magsiksikan ang lahat ng tao sa munting kapilya ng unibersidad.

Bb. Florizel del Prado, mga kapwa kong mag-aaral, magandang umaga.

Nandito ako ngayon sa inyong harapan upang magsalaysay tungkol sa simbahang kasalukuyang tinatayo diyan sa tapat ng Bel Field, ang Simbahan ng Gesu.

Noong dekada kwarenta, nasa Padre Faura pa ang Ateneo. Nasama ang paaralan sa mga nabombang establisyamento sa buong kamaynilaan noong panahon ng Hapon. Kaya naman inilipat ang Ateneo dito sa Loyola Heights. Sa paglipat ng paaralan sa lugar na ito, nagkaroon na ng planong magpatayo ng isang gymnasium at simbahan sa loob ng Ateneo. Ngunit sa di malamang dahilan, hindi natuloy ang pagpapatayo ng simbahan. Sa katunayan, nauna pang gawin ang Loyola Gym. Mahigit limang dekada na ang nakalilipas, wala pa ring simbahan ang Ateneo.

Dahil sa napakong pangarap na magkaroon ng simbahan ang Ateneo, napagdesisyunan ng administrasyon na magpagawa na ng simbahan. At hindi lamang ito isang simpleng simbahan, kundi isang simbahang umaabot sa P50 milyon ang halaga. Isa lamang ang katanungan ng marami ukol dito: Makatwiran ba ang pagpapatayo ng Simbahan ng Gesu o hindi?

Sa pagpapatayo ng isang simbahan, kailangan ang magpaplano nito. Kaya naman minabuti ni Fr. Bienvenido Nebres, S.J., ang direktor ng Ateneo, na bumuo ng Board of Trustees o komite upang sila na ang mangasiwa sa pagpaplano ng simbahan. Ito ay pinangungunahan ng mga Heswitang arkitekto. Ang grupong ito ang nagsasa-ayos ng lahat ng mga hakbangin upang mapatayo ang simbahan: mula sa pagbibisita sa mga architectural firms, hanggang sa pag-ka-canvas ng mga materyales na gagamitin. Samakatuwid, sila ang nangangasiwa sa lahat ng mga magiging desisyon sa pagpapatayo ng Simbahan ng Gesu.

Bakit nga pala napili ng komite ang pangalang Gesu? Ang gesu ay ang Italyanong salita ng Hesus. Sa Roma, mayroon ding “Church of Gesu,” ang kaisa-isang simbahan ng mga Heswita. Dito sila nananampalataya. Kaya naman napili ang “gesu” bilang pangalan ng simbahang ipinapatayo sapagkat ito ay sumisimbolo sa presensya ni Hesus. Angkop na angkop din ang Simbahan ng Gesu bilang opisyal na simbahan ng Ateneo sapagkat ito’y tumutukoy sa kapisanan ng Society of Jesus..

Ang komite ay nagkaroon ng unang plano para sa pagpapatayo ng simbahan. Masasabing sobrang ganda ng disenyo ng simbahan, at baka sobra-sobra pa nga ang kapasidad nito kumpara sa mga Atenistang nagsisimba. Ang triangulong hugis nito ay naglalayong magkaroon ng epekto sa mga takapakinig ng misa upang sabay-sabay nilang marinig ang mga sinasabi ng nasa harapan. Maaaring sabihing napaka-mitikuloso naman nito ngunit isa talaga ito sa mga pakay ng disenyo ng Simbahan ng Gesu. Napagkaalaman ng komite, matapos tingnan ang halaga ng mga gagamiting materyales, na aabot sa halagang P80 milyon. Ito ay para mapanatili lamang ang orihinal na plano. At kung isina-alang-alang pa ang posibleng pagtaas ng presyo ng mga materyales, posibleng umabot pa ang gastos sa P120 milyon. Pero dahil sa maraming tumutol sa lubhang malaking halaga nito, napagdesisyunan ng kumite na baguhin ang plano, magbago ng kaunting detalye upang bumaba sa P50 milyon ang gagastusin.

Milyon ang pinag-uusapan sa pagpapatayo ng Simbahan ng Gesu. Kaya naman dapat talagang mapaliwanagan ang mga tao lalo na ang mga Atenista ukol sa malaking halagang gugugulin para sa simbahan. Ayon kay Fr. Nebres, ang mga gusali sa paaralang ito ay sumisimbolo sa mga mithiin nating mga Atenista. Isa lamang ang ibig sabihin nito, na ang mga magagandang pamantayan ng paaralan ay nagpapatunay sa magagandang layunin ng mga Atenista. Ang mga gusaling ito ay tumutulong sa mga Atenista upang makamit nila ang kanilang mga minimithi. Isang magandang anolohiya rito ay ang pagpapaganda ng mga sports facilities ng Ateneo. Pinaganda ang sahig ng Loyola Gym, at higit pa rito, nagpatayo pa ng isang modernong pasilidad pampalakasan, ang Moro Lorenzo Sports Complex. Itong mga pagbabagong ito ay may adhikaing makatulong sa mithiin ng Ateneo na umunlad sa larangan ng palakasan sa UAAP. Ganito rin ang nais niya sa Simbahan ng Gesu, na magdulot ito ng magagandang epekto sa buhay ispirituwal ng mga Atenista.

Ayon na din kay Fr. Nebres, sa pagpapatayo ng Simbahan ng Gesu, hindi gagalawin ang internal funds ng Ateneo, o sa madaling salita, hindi gagamitin ang binabayad nating tuition fee sa pagpapatayo ng mamahaling simbahang ito. Bagkus ang panggagastos sa simbahan ay manggagaling lamang sa mga donasyon ng iba’t ibang indibidwal o mga alumni. Posible nga bang makalikom ang Ateneo ng P50 milyon mula sa mga donasyon? Posible, dahil may mga alumni na walang humpay pa ring sumusuporta sa Ateneo, na milyon-milyon kung mag-donasyon. Isang magandahang halibawa nito ay ang donasyon nina Rey Gamboa at Jun Bernardino sa NBA All-Star court na may halagang $100,000. Kaya naman pala hindi na dapat mabahala ang kahit na sino sapagkat “libre” naman ang pagpapagawa ng simbahan.

Oo nga’t libre, pero napakalaking halaga pa rin ang P50 milyon para sa isang simbahan. Ito ang katwiran ng mga hindi sang-ayon sa pagpapatayo ng isang magarang simbahan tulad ng Simbahan ng Gesu. Para kay Fr. John Caroll, isang Heswita, ang P50 milyong donasyon ay mas mabuting mapunta sa mga nangangailangan. Ayon sa kanya, marami ang maibibigay na tulong ng P50 milyon, kahit na kaunting bahagi ng P50 milyong ito ay isang malikang bagay na. Ang pera ay mas wastong maibahagi sa mga biktima ng kalamidad, sa mga mahihirap, o kahit na sino pa mang nangangailangan, o kaya naman sa scholarship fund ng Ateneo, para naman maraming karapat-dapat na estudyante ang makapag-aral dito, at hindi lamang sa mga nabibiyayaan mayayamang pamilya. Ito ang nararapat at ito ang dapat para kay Fr. Caroll.

Ngunit wala pa naman talagang simbahan ang Ateneo upang mapagdausan ng mahahalagang pagdiriwang, isa na dito ang kumpil o kaya nama’y first communion ng mga elementarya. Tama, pero hindi rin naman sinabi ni Fr. Caroll na tutol siya sa pagpapatayo ng isang maayos at kapakipakinabang na simbahan. Para sa kanya, importante rin ang magkaroon ng simbahan ang Ateneo, subalit ang halagang P50 milyon ay sobra-sobra para sa isang simbahan. Maaari namang magpatayo ng isang simbahan na kasing laki rin ng Simbahan ng Gesu, ngunit mas simple at mas mura. Hindi naman pagtitipid sa simbahan ang pakay ng ganitong pangangatwiran, ngunit pagtanggap lamang sa realidad na mas magagamit pa ang pera sa mas makabuluhang paraan upang makatulong sa kapwa.

Kung tutuusin, hindi lamang pera ang isyu dito, kundi ang totoong layunin ng pagpapagawa ng Simbahan ng Gesu. Kailangan ba talaga ang simbahan ng Gesu o isa lamang itong paraan upang may maipagyabang na naman ang Ateneo na “tourist spot?”

Nakapasok na ako sa Most Blessed Sacrament Chapel sa La Salle. Isa itong kapilya, ngunit higit na mas malaki at mas maganda kumpara sa kapilya ng Ateneo. Ang mga bintana ay stained glass at ang sahig naman ay gawa sa marmol. Maganda ngunit hindi kasing gara ng Simbahan ng Gesu. Hindi lamang ang La Salle ang may maipagyayabang na simbahan, pati na ang UST, na kung saan pati ang main building ng unibersidad ay nagmumukha na ring simbahan. Kung ang tanging layunin ng Ateneo ay matapatan o mahigitan ang mga nag-gagandahang simbahan ng ibang paaralan, masisira ang tunay na kahulugan ng Simbahan ng Gesu. Magiging isang kasangkapan na lamang ito upang tumaas uli ang mga paningin ng mga Atenista sa kanilang sarili, o kaya nama’y maging isang gusali na lamang, na walang saysay para sa ispirituwal na buhay ng mga Atenista.

Kailangan nga ba ang Simbahan ng Gesu? Kailangan ang simbahan, ngunit hindi ang Simbahan ng Gesu. Ang pagkakaroon ng isang magandang simbahan ay hindi gumagarantiya sa mas mataas na bilang ng mga nagsisimba. Hindi rin nangangahulugang lalong mag-iibayo ang presensya ni Hesus sa mga buhay ng Atenista matapos magawa ang simbahan ng Gesu. Ang kailangan ng mga estudyante ay isang simbahan na ginawa para kay Hesus, na may pagpapahalaga sa kapakanan ng ibang tao. Kailangang maprotektahan ng simbahang itinatayo ang integredad ng mga Atenista, at hindi mas lalong palabuin ito. Dapat magsilbing inspirasyon ang simbahan sa mga Atenista na magpakumbaba at matutong mamuhay ng simple, at hindi mamuhay sa karangyaan.

Isa ako sa mga salungat sa pagpapatayo ng Simbahan ng Gesu. At marahil, isa lamang ang aking dahilan: mas makabubuting tumulong na lang ang Ateneo sa mga nararapat bigyang-tulong imbis na tulungang mapaganda ang isang maganda nang unibersidad.

Ang mga Atenista ay sinasabing “men for others.” Dapat natin laging isapuso ito. Ang dapat nating alalahanin ay ang kapakanan ng iba at hindi ang ating mga makasariling mithiin. Sana tayong lahat, pati na ang administrasyon, ay maging mga tunay na Atenista.

BIBLIOGRAPHY

Thiry, Paul. Churches and Temples.

New York: Reinhold Pub. Corp, 1954.

Riturban, Ace. “Simbahan ng Gesu: Kailangan o Karangyaan.”

Matanglawin. Tomo XXV, Blg. 2, 2001.

No comments: