balikbayan baks

September 29, 2008

Bunso

Ako ay iyong inaruga
mula ng ako'y bata
Minahal at kinupkop
Pinatawa at pinaligaya

Pinalo kapag may maling nagawa
Umiyak ng ako'y mapalo
Ngunit niyakap at hinalikan
Hangga't mapawi ang mga luha

Ipinagluto ako ng adobo
na walang kasing sarap
Giniling, porkchop at bulalo
kasama na ang sinigang

Gamit ang iyong kamay,
nilabhan ang aking damit
kinula ang aking panyo
at tinahi ang mga butas sa aking pantalon

Kapag ako'y may sakit
Isinakripisyo mo ang tulog
upang ako'y gumaling
sa iyong piling

Tuwing nalalapit ang exam
Ikaw ang aking guro na
gumagawa ng practice exam
na siyang dahilan upang ako'y pumasa

Lahat nito dahil ako ang iyong bunso...

Ako ang bunsong nagpapasalamat
sa iyong walang hanggang pagmamahal

Ako ang bunsong humihingi ng
tawad sa mga oras na nasaktan ka at napaiyak

Ako ang bunsong umaasa na
nagawa ko ang aking tungkulin bilang bunso...
ang magpaligaya sa iyo at sa ating pamilya.

Ako ang bunsong hindi na magiging
ganap na bunso ngayong wala ka na...
kundi ako ay magiging isang ganap na tao
na pinalaki ng aking ina

No comments: