eto yung mga updated versions ng ilan sa mga tula ko...
Para kay Jumie Anne..
Alas-Dose
Sa pagtiktak ng orasan
sa silid-aralan, makupad na umiikit
ang mga sanga ng walang
sawang sandali.
Labing dalawang hiyaw
ang isinisigaw
ng orasan tuwing inaabot
niya ang kisame.
Sa sandaling ito, namumuo
ang ilang ala-alang
makakalimutin,
na pilit pa ring umaalala.
Sumasayaw ang mga babaeng 
nagmimistulang ulam na
inihahain sa mga nananghalian;
ibinababad sa arina
ng mga patimpalak.
Samantalang nakaluhod,
nakayuko, inaawit ng mga banal
ang dasal na kinagisnan.
Piniprito ang mga gutom
sa kanilang bumbunan gamit
ang minamantikang pawis
na dumadanak mula sa tabang
diniposito sa bilugang tiyan.
Hinihiwalayan ng kambal
ang kapatid na naiinis 
sa kanyang pagdikit; 
daig pa ang
selosang kasintahan.
Nagmimistulang disyerto ang bibig.
Sumasabit ang laway
na napanis noong gabing
hindi makaidlip.
Di makaidlip ang mga matang
lumalalim sa paglalim ng gabi.
Kinakatakutan ang liwanag
ng bilugang buwan at ang paglipad
ng hiwang katawan.
Nahahati ang araw sa kalendaryo. 
Di malaman kung
ang ngayon ay bukas
na pinto ng kahapon.
Hanggang labi lang
ng alas-dose
ang kayang kagatin
ng orasan.
Ginisa
Pinapak ko
ang halimuyak ng
ginigisang bawang.
Nadama ang pait ng
ampalaya, ang malupit
na asim ng manggang hilaw
kahalo ng alat at
anghang ng bagoong.
Naalala ng sikmura
ang natikmang
kare-kare, sapin-sapin, 
pito-pito at halo-halo.
Narinig ang tamis
ng banal na Amen
ng “Hopia, Mani, Pop Corn!”
Kasabay ang putukan ng
bagong taon sa kawali.
Lumayas ang amoy
ng ginisa. Wala 
akong kalan,
kawali, mantika,
at bawang.
Wala rin namang
reklamo ang tiyan.
Idol
Bawat pelikula mo’y
sinusubaybayan.
Bawat kanta’y
inaawit tuwing
nakaupo sa kubeta.
Sa bawat pagkilos,
nakapaloob na sa akin
ang iyong mga sayaw.
Tulad mo, magaling
rin ako tumugtog ng gitara.
Sinasalamin ko na
ang iyong katauhan.
Ika nga ng fans club mo,
ikaw si Mr. All-around.
Lahat nagagawa mo.
Ikaw ay:
artista, mang-aawit,
mananayaw, commercial model,
gitarista, pintor, negosyante,
negosyante ng ecstacy
na ginagamit mo rin para
masusop ang suso
ng maganda mong pinsan.
Kahit ika'y abala,
nagagampanan mo pa rin
ang maging tapat na anak
ni Mr. Senator.
Kaya nasa bilibid ako
ngayon: nakakulong
sa mapangheng selda,
binubugbog, pinagtritripan,
kinakana ng mga hayok sa laman.
Lahat nito, dahil
idol kita.
2 comments:
JONAR SAYS: Wala ka bang planong mag-apply sa mga writers' workshop? Malaki ang potensyal mo. Nagkaroon na rin sa wakas ng hinahanap kong anghang sa mga tula mo.
Mabuhay ka.
Jonar, salamat sa pagpuna. hehehe siguro kung may oras, pero marami naman akong natutunan sa isang buong tag-araw kay G. Mike Coroza =)
Post a Comment