balikbayan baks

April 25, 2005

Wika at Katayuan sa Buhay

nag-text si jumie sa 'kin tungkol dito.

Hindi niyo ba napapansin na kapag pupunta tayo sa palengke at siguro hihingi ng tawad sa mga tindera, purong Filipino ang gamit natin. Samantalang kapag tayo'y nasa mall, restaurant, o iba pang lugar na hindi palengke ang dating, Ingles ang pangunahin nating gamit. Simple lang naman ang lohika kung bakit ganito diba? Ibinabagay natin ang ating wika sa ating kausap.

Pero hindi ba't mga Pilipino rin naman ang ating mga nakakausap sa mga magagarbong kainan, tindahan, sinehan, atbp? Mga Pilipinong nakakaintindi rin ng Filipino. Ano ba ang pagkakaiba noon sa pakikipagusap sa mga tindera sa palengke?

Nakalulungkot pa nga isipin na minsan, ginagamit pa natin ang wikang Ingles kapag may gusto tayong ireklamo. Bakit Ingles? Dahil may intimidation factor na dala ang wikang ito. Kapag nag-ingles ka, edukado ka, matalino ka, mas may alam ka sa kausap mo. Nag-iingles ka para ipakita mo sa kausap mo na mas magaling ka sa kanya, o sa madaling salita, mas may kapangyarihan ka sa kanya. Nag-iingles ka para matahimik na lamang ang kinakausap mong hindi kasing galing mong mag-ingles at sumunod na lamang sa gusto mo. May isang beses, bumili ako ng isang CD na pumalpak. Bumalik ako sa tindahan upang papalitan, una ayaw nilang palitan, pero nung iningles ko na (kahit gaano man kapalpak siguro yun), pumayag na silang palitan. Ayun, nakakalungkot na ganito ang tingin ng mga tao sa wikang Filipino. Hindi ko rin naman masisi kung "na-iintimidate" ang mga Pinoy sa mga nag-iingles sapagkat ito ang kaisipang kinagisnan nating lahat. Kailan kaya maipagyayabang ng mga Pilipino ang sariling wika?

nakaka-badtrip talaga mga adware.

2 comments:

chi said...

oo nga e. kahit ako, kapag nakikipag-away sa kaibigan o kakilala, madalas, ingles ang gamit. siguro, pakiramdam ko, kapag nag-ingles ako, ako ang tama. para bang mas may punto ako kapag ingles gamit ko.

stargazer said...

basahin mo na kasi y'ung miseducation of the filipino (gasgas na kung gasgas, aaron. renato constantino pa ren!). lalo ka pang mabubuwisit sa mga kano. talagang hinati ng wikang ingles ang lipunan. sabi nga ni doc bien, "hangga't ang lengguwahe ng mga nasa kapangyarihan ay iba sa lengguwahe ng nakararami, hindi kataka-takang laging nasa laylayan lamang ng mga pangyayari ang mga mahihirap." kaya dapat lumaban... para sa intelektwalisasyon ng wikang pilipino.