Sa pag-amin ni Pangulong Arroyo na kanya nga ang boses sa mga kumakalat na "Gloriagate tapes," at sa paghingi niya ng paumanhin para rito, lalo lamang siyang hindi patatawarin ng sambayanan. Hindi ito maaaring palampasin gaya ng nais niya. Kailangan niyang managot sa taong-bayan. Kailangan niyang magbitiw.
 
Hindi lamang "lapse of judgment" ang nangyari. Mangilang ulit siyang tumawag sa isang opisyal ng COMELEC upang pangalagaan ang kanyang boto sa kasagsagan ng bilangan. Kakulangan lamang ba ito sa kanyang pagpapasya?
Siya mismo ang gumagawa ng paraan upang mawalan ng tiwala sa kanya ang taong-bayan. Ang urong-sulong na mga pahayag ng kanyang opisyal na tagapagsalita at ang kanyang matagal na pananahimik sa gitna nito ay nagpagulo pa lalo sa mga bagay-bagay.
 
Nagsinungaling na siya dati sa mismong araw ng kabayanihan ni Rizal – na hindi na raw siya tatakbo ulit; heto't nagsinungaling ulit siya.
 
Aniya, patawarin na raw natin siya at hayaan siyang magpatuloy sa kanyang mga reporma. Paano siya nagkaroon ng mukhang sabihin ito sa gitna ng papataas na presyo ng bilihin at pasahe, mga pinapaslang na mamamahayag, at mababang badyet sa edukasyon?
 
Kinakailangan niyang magbitiw sa lalong madaling panahon. Ang kanyang pananatili sa puwesto ang siyang nakagugulo sa katatagan ng sambayanan, higit pa sa mga pinararatangan niyang "destabilizer." Hindi na dapat pang hayaang dumaan sa impeachment ang pangulo. Kitang-kita naman ang lamang ng administrasyon sa parehong kapulungan sa Kongreso.
 
Subalit sa pagkakabakante ng puwesto ng pangulo, kailangang maging mapagmatyag ang mamamayan. Hindi natin maaaring hayaang magtagumpay ang isang military junta. Sapat na ang karanasan natin bilang bansa sa ilalim ng Batas Militar noong dekada ‘70 upang payagan pa ito.
 
Gayundin sa pagtatawag ng snap elections. Sa ganitong paraan, papalitan lamang natin ang mukha sa liderato habang nananatili ang bulok na sistemang umiiral sa bansa. Wala tayong maaasahan kung hindi mapagkakatiwalaan ang mismong mga batayang demokratikong institusyon tulad ng halalan dahil sa kagagawan ng COMELEC.
 
Marami ang nagsasabing wala nang maaari pang maging alternatibo kay Arroyo. Sa isang banda, pagpapakita lamang ito ng huwad na demokrasyang umiiral. Nakikita na ng mamamayan na walang ipinag-iba sa isa't isa ang mga taong naglalaban-laban para sa puwesto. Lantad na ang elitistang katangian ng ating sistemang pulitikal.
 
Dahil rito, nanawagan ang Matanglawin sa pagbubuo ng isang "transitional government." Hindi lang si Arroyo ang dapat palitan kundi ang bulok na sistemang pulitikal sa bansa. Pamumunuan ang pamahalaang ito ng Punong Mahistradong si Hilario Davide, Jr, na naipakita ang kanyang kakayahang mamuno at pagiging patas sa Impeachment Trial kay Joseph Estrada. Bubuuin ito ng mga kinatawan mula sa iba't ibang sektor upang mabigyang-tinig ang masang napag-iiwanan palagi. Pantay-pantay rin dapat ang representasyon sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas upang maiwasan ang pagiging Manila-centric ng pamahalaang ito.
 
Tungkulin ng pamahalaang ito na pangasiwaan ang pagpuno sa puwesto ng pagkapangulo. Subalit higit pa rito, tungkulin rin nitong magpatupad ng mga reporma sa ating mga demokratikong institusyon. Dagdag pa, layon din nitong ibasura ang mga kontra-mamamayang batas na ipinatupad sa ilalim ni Arroyo tulad ng E-VAT, Mining Act, at iba pa. Kung hindi natin ito maisasagawa, palagi na lamang tayong magkakaroon ng mga pangulong magpapakasasa sa puwesto. 
 
Bilang isang bayan, maaari nating baguhin ang suliraning ito at gawing pagkakataon upang ganap nating mabago ang sistemang pulitikal sa bansa. Sa ngayon, hindi natin maaasahan ang ating mga demokratikong institusyon. Ngayon ang angkop na panahon upang suriin, at baguhin kung kinakailangan, ang mga institusyong dapat ay mangangalaga sa kaayusan ng bansa. Mabuti nang sumailalim tayong mga Pilipino sa isang panahon ng pangangapa at pagtatanong, kaysa manatiling kawawa sa rehimen ng isang sinungaling at kontra-mamamayang pangulong hindi naman natin hinalal.
 
Tama na. Sobra na. Palitan na ang sistema.
No comments:
Post a Comment