Sa pagtiktak ng orasan,
makupad na umiikit ang
mga sanga ng walang
sawang sandali.
Labing dalawang hiyaw
ang isinsigaw
ng orasan tuwing inaabot
niya ang kisame.
Sa sandaling ito, namumuo
ang ilang ala-alang
makakalimutin,
na pilit pa ring umaalala.
Sumasayaw ang mga babaeng
nagmimistulang putang
inihahain sa mga nananghalian;
ibinababad sa arina
ng mga patimpalak.
Samantalang nakaluhod,
nakayuko, inaawit ng mga banal
ang Angelus na nilaos
ng Ispageti.
Piniprito ang mga gutom
sa kanilang bumbunan gamit
ang minamantikang pawis
na galing sa tabang
itinanim ng beer.
Hinihiwalayan ng kambal
ang kapatid na naiinis
sa kanyang pagdikit;
daig pa ang
selosong kasintahan.
Natutuyo ang bibig.
Sumasabit ang laway
na napanis noong gabing
hindi makaidlip.
Di makaidlip ang mga matang
lumalalim sa paglalim ng gabi.
Kinakatakutan ang liwanag
ng bilugang buwan; sa paglipad
ng hiwang katawan.
Nahahati ang araw sa kalendaryo.
Di malaman kung
ang ngayon ay bukas
na pinto ng kahapon.
Hanggang labi lang
ng alas-dose
ang kayang kagatin
ng orasan.
No comments:
Post a Comment