balikbayan baks

May 27, 2004

5/26/2004
Ginisa

Pinapak ko
ang halimuyak ng
ginigisang bawang.

Nadama ang pait ng
ampalaya, ang malupit
na asim ng manggang hilaw
kahalo ng alat at
anghang ng bagoong.

Narinig ang tamis
ng banal na Amen
ng “Hopia, Mani, Pop Corn!”
Kasabay ng bagong
taon sa kawali.

Naalala ng sikmura
ang tinunaw na
lechong manok
sa agahan at lechong
kawali sa tanghalian.

Wala akong kalan,
kawali, mantika,
at bawang.

Nagdasal at pinasalamatan
ang ilong.

5/25/2004
Idol

Bawat pelikula mo’y
Sinsusubaybayan.
Bawat kanta’y
Inaawit tuwing
Nakaupo sa kubeta.
Sa bawat pagkilos
Nakapaloob na sa akin
Ang iyong mga galaw
Sa dance floor.
Pati ang pananalita
Mong konyo, namana.

Ang kulang na lang
Sa akin ay ang iyong
Expedition, condo,
‘sang damakmak na salapi
at magagandang babae.

Sinasalamin ko
Ang iyong katauhan.

Kaya nasa bilibid ako
Ngayon: kinukulong
Sa mapangheng selda,
Binubugbog, pinagtritripan,
Kinakana ng mga hayok sa laman.

Lahat nito, dahil
Idol kita.

5/24/2004
Barker

Montalban! San Mateo! Sta. Lucia!
Montalban! San Mateo! Sta. Lucia!
Sakay na! Sakay na!
Tatlo pa ang kasya.

Kaunting usog lang po
upang tayo’y makaandar na.
Pasensyahan na lang
kung mataba ka.

Montalban! San Mateo! Sta. Lucia!
Montalban! San Mateo! Sta. Lucia!
Sakay na! Sakay na!
Dalawa pa ang kasya.

Hanggang Katipunan ka lang ba?
Si Manuel Quezon pa rin ang bayad.
Malayo man o malapit,
pantay-pantay tayo sa Aurora.

Montalban! San Mateo! Sta. Lucia!
Montalban! San Mateo! Sta. Lucia!
Sakay na! Sakay na!
Isa pa ang kasya.

Kandungin lamang ang mga dala
upang kayo’y magkasya.
Usok ang rugby na pumapawi
sa ngawit ng kamay at panga.

Montalban! San Mateo! Sta. Lucia!
Montalban! San Mateo! Sta. Lucia!
Sakay na! Sakay na!
Ang FX ay puno na.

Bumaba sa estribo upang kunin
ang bayad sa gumaragalgal na boses.
Ang natatanggap sa buong araw:
barya lang sa umaga.

5/24/2004
Ako’y Isang Saranggola

Unti-unti akong
inaangat ng hangin ng
Agosto…labing siyam
na dipa bawat sandaling
hinihila ng iyong kamay
ang lubid na yumayakap
sa iyong mga daliri.

Habang tumatagal,
lumalakas ang hangin...
patuloy mo akong
pinapalipad. Kay sarap
dito. Ngayon lang ako
nakarating sa isang
napakatayog na lugar...

kung saan nasusulyapan
ko na ang langit. Hindi
nagugulo ng hanging amihan.
Hindi nabubutas ng mga ulan.
Ako’y isang saranggola at
ako ang pag-ibig na lumilipad
para sa iyo at dahil sa iyo.

Nais kong lumipad pa
ng mas mataas hanggang
marating ang langit.
Sa iyo lamang ako nakakapit.
Ikaw ang pusong nagpapalipad
sa ‘kin, pag-ibig mo’y
‘sing tayog ng langit.

5/23/2004
Tansan

Sumigaw sa akin
ang nakapaskil na

poster. “Tingnan ang
ilalim ng tansan at

manalo ng premyo!”
Nakita ang radyo,

TV at ang kotseng
mas mahal pa sa aming

bahay na gawa
sa kinalawang na yero.

Napahigpit ang hawak
sa perang pambili ng bigas.

“Ale, isang Coke nga po.”
Sumayaw ang mga barya

sa mesa. Inabot sa akin ang
mamasa-masang bote.

Tinungga muna ang
Softdrinks na bumubutas

Sa kumakalam na
sikmura. Kinuha

ang tansan. Kinapa
ang kapalaran ng

pinagpalit sa tanghalian.
Tinuklap ang langib

ng nagbabadyang sugat
dulot ng “Try Again!”

Akala’y di na magtitiwala
sa swerte. Kaya’t

may bago na namang notang
kakalansing sa Pasko.

5/21/2004 3:02 AM
Ang Pag-ibig Ko

Walang humpay ang
pagdaloy ng dugo
sa aking pusong
nakangiti sa kalangitan.

Pumapaimbabaw ang
saya na dulot ng ilang
ngiting gumuhit
sa maninipis na labing

nagtagpo sa ilalim ng
mga tala. Kasabay ng
along may likha ng
buhay na parang

buhawing umihip
sa mga notang
dati’y inaawit sa
panaginip lamang.

Bawat pagtaas at
pagbaba ng dibdib,
niyayakap ang bawat
sandaling mayayakap

nang mahigpit ang ikaw
na gustong
kapiling ng akong
nanalanging

may bukas pang
haharapin ang
dumadanak na
pag-ibig ko.

5/11/2004
Sampu Para sa Lima

Pinainog ang gulong
sa daang kumukulong
sa usok na nagkumpol
sa bagang nauulol.

Sumabay ang tilamsik,
lumalim ang pagsisid.
Tinuhog ang diyes na pitpit,
singko ang ipinalit.

Swatch, Casio, Seiko, Atbp.

Kapag siya’y tumitiktik,
numero’y kinukulit.
Sandaling iniibig,
ni mahabang manipis.

At itong si maikli,
oras ay pinipili.
Panahong nilalandi,
upang umusad muli.

Fox Hole

Sumisilip ang takot,
Balang ulan, sinabog.
Ulap, gawa sa usok.
Balat, putik na tuyot.

Duwag kaming sumugod,
kahit ang bala’y supot.
Ang kasama’y natepok,
at ako ang sumunod.

Happy Anniversary

Isang taong magkasama
sa hirap at sa ginhawa.
Nagpapogi sa barberya,
polo’y nilaba’t plinantsa.

Tsokolate’t gumamela,
nais ibigay sa sinta.
Ngunit regalo’y nalanta,
sinta’y nakaburol pala.

05/05/2004
Sa Kalaunan

Tinanggap ng mga libro
Ang irap mong natutuyo
sa lamig ng mga kaalaman.
Nananalantay pa rin
ang gutom sa utak.

05/04/2004
Bagong Haligi ng Tahanan

Pinahiram na ama,
dumalaw sa ‘king kweba.
Hinablot ang bra’t palda,
kinanang kaluluwa.

05/03/2004
Alkalde

Si Mayor, nais hipuan
ang kaban ng mamamayan.
O di kaya ang sipingan
ang taimtim kong katipan.

Kapayapaan sa Bukid

Palay ang tinatanim
ng tatay kong suwail.
Punlo ang inihain
ng sundalong naglibing.

Sa Aming Parokya

Bumili ng sandali
ang tigang naming pari.
Nakasuot ng puti,
sala mo’y pinapawi.

Toast, Pare!

Tayo’y maliit pa
Kainuman na kita
Ngayong tayo’y bente na
Nireregla ka pala.

04/29/2004
Ten Percent Increase

Sinunog ang kilay, buhay sa formula.
Ensayo sa McDo, naubos ang tinta.
Bagsak sa eksamen, walang sagot pala.
Tanggal ang scholarship, makaenroll sana.

Akalde
Nais nila ang sumiping
sa kaban ng mga piping
bulag sa ilaw ng jueteng.
‘Sing bagsik ng mga pating!

03/__/2004
May Pasok

Ika-anim ng umaga
Subsob ang mukha sa
Mabahong punda;
Panis na laway.

Pilit na babangon.
Samyong-samyo ang lamig
Ng hangin. May mutang
Nagpapalabo ng paningin.

Pinaagos ang tubig
Umupo sa kubeta, naghintay.
Naisip ang unang buhos,
Matindi ang tusok ng lamig.

Pumikit, tiniis ang hapdi.
Masasanay rin sa
Pagtulo ng karayom
Mula ulo hanggang paa.

02/14/2004
Recycle

Ala-una ng madaling araw:
Tugma sa tunog ng
Katipunan, pumepedal
upang umikot ang gulong.

Habang pumapadyak, nakatingin
na sa basurahan. Sa likod,
may natutulog. Tabloid ang
panlaban sa malamig na kongkreto.

May mga nagraragasang
sasakyan, nag-uunahan.
Sila-sila rin, nag-uunahan
sa basurang itinapon natin.

Papel, karton, bote,
pati na bakal.
Recyclable = pera.
Pera para may masubo.

Minsan swerte, may
Pagkain na tira-tira,
Na may bahid din ng tae
Mula sa isang diaper.

May t-shirt na pinaglumaan,
May sombrero na pamporma,
May panyo na puno ng uhog.
Isang minahan ang basurahan.

01/30/2004 (Kontraberso)
Sell-out

Hindi ko alam...
hindi ko alam...
Hindi ko alam kung bakit
libro ni Leithold at ni Kreyzieg
ang hawak ko,
o kaya naman libro ni Hayt...
mga libro na naglalaman ng mga
diode, transistor
o di kaya naman mga electric field na ang
equation ay E equals Q over four pie epsilon r squared

Hindi ko alam kung bakit
ito ang aking pinag-aaralan
Pero alam nating lahat na
ito ang hakbang upang
magkaroon ng isang
matiwasay na buhay
na inaasam ng marami.

Thermodynamics, strength of
materials at iba pa...
mga kursong nakasandig sa teknolohiya,
teknolohiyang kumukontrol sa buhay mo

unti-unti, dahan-dahan
hindi mo namamalayan,
hindi ko namamalayan,
hindi natin namamalayan,
na punla ito sa isang sistema
na nagpapalala sa kahirapan
ng mga mahihirap at
nagpapayaman naman
ng mga mayayaman.

Ito ang kurso ko,
kurso na bubuhay sa akin,
isang buhay na hindi para
sa aking ngunit para sa
mga Multi-National Companies.

Hindi ko na kayang maintindihan ang
Gauss Law at Divergence Theorem.
Hindi ko na maintindihan
kung bakit andito pa ako
sa kursong ito,
kung bakit ako

nagpapaka-sell-out.

09/21/2003
Ang Tawag

Ginugulo ka ng iyong isip
Hindi mahulaan ang ibig ipahiwatig
Hindi rin malaman kung san nagmumula
Ang tinig na patuloy sa pagsigaw

Pilit iniiwasang marinig ang tinig
Pilit na ikinukubli ang sarili
sa rehas na dala ng nakaraan
pilit na lumalayo sa napipintong kapahamakan

subalit hindi malalaman
ng kahit na sino at kahit na ano
kung makapahahamak nga ba
o makabubuti ang tawag, ang tinig

Sino nga ba ang nakakakilala sa tinig?
Ako lang naman ang nakaririnig,
Ako lang ang may kakayahang
makipag-usap…makipagsapalaran.

Minsan pa’y tinakpan ang tenga
Upang hindi makarinig
Ngunit ultimo ang katahimikan
ay may tinig.

Tinig na kumakatok sa
aking buong katauhan,
tinig na bumubulong sa
pusong naglalayong sumulong

Isang tawag na magtiwala
Isang tawag na umasa
Isang tawag na umibig
Isang tawag na ika’y mahalin

08/10/2003 11:13 PM
Luhang May Ngiti

Habang naglalakad
At naghihintay na makarating
Sa nais puntahan,
Ika’y napaluha.

Nasaktan ng ‘di oras…
Hinagpis na hindi mawari
kung saan nanggaling
Nais isatitik ang mga nararamdaman

Subalit alam mong hindi dapat
Sapagkat ang mga naramdaman
noon, maaaring hindi na ang mararamdaman
kinabukasan. Kung isatitik, hindi na lilisan.

Sa likod ng mga luha ay may ngiti.
Dulot ito ng pagmamahal na umiinog
sa iyong katauhan. Alam mo. Walang
dapat magpa-alala sa iyo. Basta alam mo.

Alam mo na maraming nagmamahal sa iyo.
Alam mo na marami kang matatakbuhan.
Alam mo na hindi mo dapat tingnan ang luha
kundi ang ngiti na laging nasa iyong puso.

06/26/2003
TECH SAVVY

Dati ay kuntento ka na sa
family computer. Pero nagpabili
ka ng SNES at nainggit
ng husto ang barkada mo.

Kung hindi ka naman naglalaro,
nanonood ka naman ng TV.
kahit na 21 inch lang iyon,
naka-cable ka naman.

Nang ika'y nagka-computer,
hindi natinag ang iyong pag-click
sa mouse. Ilang oras ang nagugugol
mo sa kaka-surf sa Internet.

2003: may MMS na ang cellphone mo.
May camera siyempre.
Nagbago pa ang pananalita mo:
puro bluetooth at 3G na ang bukang bibig

Hindi rin matigil ang pag-upgrade
sa computer mo.May bagong dagdag
kapag nagkapera.At may
PDA/mp3 player ka rin.

At kapag nagbrownout at
nawalan na ng baterya ang mga
gadgets mo...saka mo na lang ba
kakausapin ang taong nasa tabi mo?

05/26/2003
Samalamig, Sama-init

Sa init ng panahon
Minsan nabibiyayaan pa rin
Tayo ng ulan, na
Bumabasa sa ating mga mata.

Panandaliang lumalabo ang
Paningin, panandaliang hindi
Napapansin ang sikat ng
Araw na iniinugan ng itim na bahaghari

Ang ulan ay nahahaluan
Ng alat ng ating pawis.
Ang lamig ng hangin ang
Pumapawi sa ating uhaw.

Kahit na panadalian lamang,
Ginhawa ng pakiramdam ay nakakamit.
Ngunit sa paggalaw ng mga ulap,
Sisikat na naman ang araw.

Muling mararamdaman ang init,
ang uhaw, ang pawis na maalat
na nagbibigay lagkit sa ating mga balat.
Panandalian nga lamang ang ginhawa.

Paano pa sa iba na hindi nabibiyayaan ng ulan?

05/06/2003
Kulang

Ano nga ba ang nadarama
kapag ika’y nagkukulang.
hindi kulang sa pag-iisip.
kundi kulang sa biyaya.

Kulang ang paa,
kaya ang tanging nagagawa
ay gumapang upang
humingi ng kusing

O kaya naman ay
kulang sa braso,
kung saan sumasabit na lamang
ang isang manggas ng tshirt

O kaya naman kulang
sa paningin, na walang
makita kundi kadiliman,
kulang sa ilaw ang buhay.

Ano na nga ba ang magagawa
ng kulang sa pandinig, kung sila’y
hindi rin makapagsalita.
kulang rin sa boses.

Kulang nga rin ba sila sa pagkatao?
O sadyang kulang sa pag-aaruga
at pagpapahalaga. Dahil para sa iba
hindi kulang, kundi wala silang pagkatao.

04/14/2003
100 km per hr

Ihip ng hangin sa mukha
Ginhawa na kay tagal ng nawala
Ang lamig ng pakiramdam
Ang sarap sumakay

Ingay ng makina
Suliranin ang gasolina
Ang layo pa ng lalakbayan
Ayaw umalis sa upuan

Wala kasing traffic
Ang sarap ng mabilis
Minsan ramdam mong ika’y
Lumulutang at gusto mo naman

Gusto mong tumakas sa
Kaguluhan at kalupitan ng
Buhay. Parang ngayon na
Walang bumubuntot na problema.

Ngunit kapag narating na ang
Pupuntahan, titigil muli.
Papatayin ang makina at
Muling haharapin ang katotohanan.

Pasensya na.
Hindi joy ride ang buhay mo.

03/26/2003
Bola

Ano nga ba ang bola?
Isang three dimensional object.
o kaya nama’y birong
may intensiyong magpangiti.

Ang bola ay maihahambing
rin sa isang bilog na walang
katapusan; magkadugtong
ang dalawang dulo na hindi mawari

Tulad ng mundong ginagalawan,
ang lahat ay iisa lamang
nakatungtong sa pare-parehong
lupa: may buhay, hindi lamang alikabok.

Ngunit bakit ang buhay ay
ginugustong patayin at tuluyang
isantabi. Giyera. Patayan.
Ano nga ba ang kahalagahan ng buhay?

May isang nagpupumilit kunin ang
kapangyarihan ng ibang bansa, habang
ang isa ay tahimik na nagiimbak ng
kaniyang mga armas

Sunog. Usok. Dugo.
Mga misteryo na lumilipad sa
himpapawid at sisira sa kapayapaang
dati’y isanasabuhay ng lahat.

03/__/2003
Tekno

Sa aking paglaki
Naranasan ang hirap
Ng buhay sa trabaho man
O sa pag-aaral

Subalit ng dumating ang
Teknolohiya, ng aking
Simulang gamitin, naranasan
Ko ang ginhawa.

Ng mahawakan ko ang remote control,
Namulat ang aking mga mata sa
Halos lahat ng elemento ng buhay.
Naranasan ko ang buhay ng isang manlalakbay

Ako nga’y naglakbay, nakapasok sa
Iba’t ibang simbahan, ngunit hindi nakapagdasal.
nakita ko ang sarap ng pagkain ng ibang bansa,
ngunit hindi man lang natikman.

Sa aking pag-aaral, dumali ang
Buhay. Isang click lamang, nasa
Harapan ko na ang aking kailangan.
Copy-and-paste na lang!

Para bang kayang-kaya ko na
Mabuhay ng mag-isa.
Dahil sa teknolohiya,
Nasa kamay ko ang kapangyarihan…

Kapangyarihang mapabuti
O mapasama ang buhay ng iba,
Pati na ang sariling buhay.
Dito na nga ba nakasalalay ang buhay?

Habang tumatagal ang panahon,
Aking napansin na ang naidudulot ng teknolohiya,
Ay sadyang katamaran na lamang.
Ganito na lang ba dapat tayo mamuhay?
Puro shortcut?

03/__/2003
Ang Kadayaan ng Buhay

Naglalakad, nagtutulak
Gulong na paikot-ikot
Walang laman ang tiyan,
Walang liwanag ang mga mata

Ibukas ang palad
Upang may dumapong biyaya
Isang biyayang makabibigay
Ng ngiti na panandali

Si Rizal ang nakikita
Sa palad, isa lamang mukha
Ng isang bayani ng nakaraan
Habang sila’y anino sa kasalukuyan

Langhapin ang buhay
Na dapat isabuhay
Walang bukas na inaasam
Walang kaluluwa’t pag-asa

Sa lamig ng gabi
Ang init na nasa kamay
ang tanging pinanghahawakan
ang panaginip na nakakasilaw

Ipinanganak sa ganitong mundo
Mulat na mulat sa
Kadayaan ng buhay
Isang tanong na dapat mabigyan ng sagot

Bakit?

No comments: